Aabot sa 11 barangay sa Lungsod ng Cauayan ang apektado sa pagkasira ng approach ng Sipat Bridge na siyang kumokonekta west tabacal region at poblacion area.
Kinakailangan kasing dumaan muna pansamantala ang mga motorista sa Minante Uno Research – San Francisco papuntang Dabburab, sa Nungnungan II – Faustino – San Francisco papuntang Dabburab, o sa Sillawit – San Isidro – San Antonio papuntang Sta. Luciana.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jomar Timple, isa sa mga apektadong residente, sinabi niya na maraming nakikinabang sa Sipat Bridge kaya malaking perwisyo ito para sa kanila pangunahin na sa mga mag-aaral na nag-aaral sa bahagi ng Poblacion.
Bagama’t may mga alternatibong ruta na maaaring daanan ay masyado itong malayo kaya ang ilan ay mas pinipili na lamang na maglakad upang makatawid sa naturang tulay.
Samantala, hiniling ng mga apektadong residente sa pagkasira ng approach ng Sipat Bridge na kung maaari ay lumapit ang mga namamasadang tricycle sa tulay upang hindi na mas mahirapan pa ang mga residente na maglakad ng malayo.
Ang mga tumatawid kasi sa nabanggit na tulay ay kinakailangang maglakad ng nasa 100-200 metro bago makasakay ng tricycle.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Allan Castillo ng Barangay District 3, sinabi niya na kinakailangan muna nilang ipaalam sa mga awtoridad pangunahin na sa City Engineering Office at ilan pang concerned offices kung maaari bang palapitin ang mga tricycle sa tulay upang hindi na mahirapan ang mga residente.
Humingi naman siya ng paumanhin at pangunawa sa mga apektadong residente at motorista sa abala na dulot ng pagkasira ng approach ng tulay.
Tiniyak naman ni Kagawad Castillo na paiigtingin nila ang pagabantay upang matiyak na walang madisgrasya sa lugar.











