
CAUAYAN CITY – Nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF) ang ilang bayan sa Cagayan ngayong buwan ng Enero 2022.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Manuel Galang Jr., ASF coordinator ng Department of Agriculture (DA) region 2 na ngayong Enero ay nakapagtala ng kaso ng ASF ang mga bayan ng Enrile, Amulung, Tuao, Santa Teresita at Gonzaga, Cagayan.
Tinamaan din ng ASF ang slaughter house ng Ballesteros, Cagayan matapos magsagawa ang Provincial Veterinary Office ng environmental swabbing at may nagpositibo sa ASF.
Sinabi ni Dr. Galang na mula noong Disyembre 2021 hanggang ika-6 ng Enero, 2022 ay aabot sa 136 na baboy ang tinamaan ng ASF.
Lahat aniya ng mga infected ng ASF na mga baboy ay isinailalim sa culling habang ang iba ay namatay at ibinaon sa lupa.
Nagsasagawa na ang DA ng massive disinfection sa mga apektadong lugar.
Samantala, pinagtutuunan din ng pansin ng DA region 2 ang iba pang sakit ng mga hayup tulad ng bird flu, Foot and Mouth Disease, antrax, rabbies at iba pa.
Nanawagan din si Dr. Galang sa mga magsasaka na ipaseguro ang mga alagang hayop at mga pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang makakuha ng insurance claim kapag nagkaroon ng kalamidad o sakit ng mga pananim at hayop.










