CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang ilang eksperto tungkol sa kumakalat na malisyosong phishing links na awtomatikong nagta-tag sa mga facebook account sa mga post.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ramon Villanueva, Senior High School ICT teacher sa Cauayan City National High School (CCNHS) main at isa ring freelance programmer, sinabi niya na ang phishing links ay isang link na kapag binuksan ay awtomatikong nakaka-access sa mga account o nakakapag-autotag sa mga post sa social media.
Maaaring makuha nito ang email at password ng user at magamit sa panloloko o scamming sa mga kakilala ng user.
Kapag nagkaroon na ng unauthorized access sa isang account ay maaaring hindi na ito mai-log in at marekober ng user.
Paalala ni Ginoong Villanueva sa mga user na bawasan ang kanilang curiosity at pag-isipang mabuti bago mag-click ng mga links at huwag agad maglagay ng mga personal na impormasyon maging ang email at password upang hindi mabiktima.
Gamitin din ang Two-Factor Authentication ng Facebook upang mapansin kung may naglog-in gamit ang email at password at mapigilang ma-access ng cyber attacker ang account.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Corporal Nicanor Taguiam, Forensic Examiner at imbestigador ng Regional Anti-cybercrime Unit 2, sinabi niya na maaari ring gamitin ang mga nakuhang account upang manira sa mga pulitiko, sa mga kakilala ng user upang sirain ang reputasyon nito.
Aniya iwasan na ang paglalagay ng password na madaling malaman ng ibang tao tulad ng birthday o mismong pangalan.
Kapag nakatanggap ng mga phishing links ay kailangang i-block o ireport ito upang ma-deactivate at magpalit agad ng password upang matiyak na hindi na-access ang account.
Ayon kay PCpl. Taguiam, karaniwan sa mga nairereport sa kanila ay ang online shopping scam tulad ng mga murang paninda, promo at mga pekeng produkto.
Aniya, nauna nang nagbayad ang biktima bago pa dumating ang binili sa online at may iba ring hindi na dumating ang produkto.
Mas mabuting cash on delivery na lamang ang gamitin sa transaksiyon upang makaiwas sa scam.
Ina-aplayan naman ng pulisya ng warrant to disclose data upang maibigay sa kanila ang impormasyon ng seller at saka ito kakasuhan.
Nagpaalala si PCpl. Taguiam sa mga mamamayan na gumagamit ng social media at nagsasagawa ng online shopping na maging mapanuri sa mga nakikita sa online dahil may mga masasamang loob na gusto makapanlamang sa kapwa.