--Ads--

Kinalampag ng grupong PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa pag-impound ng ilang jeepney units na sana’y lalahok sa Trillion Peso Movement 2.0 noong Nobyembre 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON Chairman Mody Floranda, sinabi niyang nagsagawa sila ng pagkilos sa harapan mismo ng tanggapan ng LTO kung saan naka-impound ang 24 na sasakyang ginamit sa rally.

Aniya, nakiisa ang kanilang grupo sa kilos-protesta kontra korapsyon subalit hinarang at tiniketan ng LTO ang ginamit na jeepney units ng mga nakilahok.

Malaking epekto umano ang naging hakbang ng LTO dahil karamihan sa mga sakay ng hinuling jeepney units ay hindi nakadalo sa pagtitipon sa Luneta at EDSA.

--Ads--

Dagdag pa niya, taliwas ang aksyon ng LTO sa layunin ng kilos-protesta at tila ayaw lamang ng pamahalaan na palakihin ang bilang ng mga lumalahok laban sa matinding korapsyon. Binanggit din niya ang umano’y malawakang korapsyon sa hanay ng LTO sa panghuhuli at panggigipit sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Hindi lamang aniya mga driver at operator ang naapektuhan ng walang habas na operasyon ng LTO kundi pati na rin ang mga mananakay.

Maliban sa naganap na pagkilos, inaasahan ang tuloy-tuloy na aksyon ng mga transport groups lalo’t umabot na ng isang taon ang kanilang diyalogo sa pamahalaan ngunit wala pa ring konkretong tugon.

Kung matatandaan, matagal nang idinudulog ng iba’t ibang transport groups sa pamahalaan ang usapin sa renewal ng prangkisa sa ilalim ng ipinatutupad na Modernisasyon sa Transportasyon.

Samantala, inihayag ni NPTC Convenor Ariel Lim na noong nagsagawa ng pagkilos ang Iglesia ni Cristo ay wala silang naging problema at hindi nanghuli ang Land Transportation Office (LTO) ng mga tsuper na nakiisa sa kilos-protesta. Subalit sa November 30 Trillion Peso Movement, marami sa kanilang mga kasama sa sektor ng transportasyon, partikular sa grupong PISTON at Manibela, ang hinarang at hinuli.

Aniya, nakarating sa kanila na ang naturang hakbang ay utos umano ni Marcus Lacanilao ng LTO, na ikinagalit ng kanilang grupo.

Depensa nila, walang pasok noon at ang nais lamang nila ay dumalo sa pagtitipon na tumutuligsa sa malawakang korapsyon sa Department of Transportation at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Nais nila ngayon na paimbestigahan ang insidente, lalo’t itinatanggi ni ASec. Lacanilao ang naturang usapin. Subalit batay sa mga enforcer, iniutos sa kanila ang panghuhuli.

Una na ring nagsagawa ng pagkilos ang PISTON at Manibela upang madaliin ang pagpapalabas sa mga impounded units.

Sa katunayan,sumulat na si Lim kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makipagdayalogo sa transport sector at mailahad ang mga problemang kasalukuyang kinakaharap ng public transport.