--Ads--

Labindalawang katao, kabilang ang isang bata at isang buntis, ang naiulat na nakaranas ng matinding trauma at sinubukang magpatiwakal matapos ang magkakasunod na lindol sa Cebu kamakailan.

Ayon sa paunang ulat ng mga awtoridad at mga ospital sa lalawigan, karamihan sa mga biktima ay nakaranas umano ng matinding takot, trauma, at matagal nang suliraning emosyonal na pinatindi ng epekto ng lindol.

Kabilang sa mga nagtangkang magpatiwakal ang isang 9-anyos na bata at isang 3-buwang buntis na ginang.

Agad namang narespondehan ang mga ito at kasalukuyang binibigyan ng medikal at psychological na atensyon sa iba’t ibang pagamutan sa lungsod.

--Ads--

Sinabi ng mga health officials na ang mga insidente ay posibleng epekto ng kombinasyon ng takot, panic, at kasalukuyang mental health issues na lumalala tuwing may sakuna.

Panawagan ng mga eksperto sa mental health, tulad ng mga psychologist at crisis responders,agad humingi ng tulong ang sinuman na nakakaramdam ng matinding lungkot, takot, o pagkalito, lalo na sa panahon ng kalamidad.

Nagsagawa na rin ng debriefing at mental health support ang mga lokal na pamahalaan sa mga naapektuhan ng lindol, lalo na sa mga komunidad kung saan may naiulat na suicide attempts.

Patuloy ang panawagan ng mga otoridad sa publiko na bantayan ang kalagayan ng kanilang mga kapamilya, lalo na ang mga bata, buntis, at matatanda, na mas madaling maapektuhan sa ganitong mga sitwasyon.