CAUAYAN CITY – Sinagot at nilinaw ng magkatunggaling kandidato sa pagka-kongresista ng ikatlong distrito ng Isabela ang ilang isyu laban sa kanila.
Sa Debate sa Bombo kaninang umaga, May 1 , 2019 sa palatuntunang Bombo Hanay Bigtime ay nagharap ang mga congressional candidate na sina Mayor Ian Paul Dy ng Alicia, Isabela, anak ni incumbent congressman Napoleon Dy at Ginoong Bong Siquian, kapatid ni incumbent congresswoman Ana Cristina Go.
Sinagot nila ang tanong at pagpuna na hindi sila masyadong nakikita sa kani-kanilang bayan kaya paano nila matitiyak na matututukan ang kanilang distrito kapag sila ay nanalo sa darating na halalan.
Sinabi ni Ginoong Siquian na mula noong Nobyembre 2018 ay naroon na siya sa kanilang bayan sa Angadanan, Isabela.
Iginiit niya na kulang man siya sa karanasan sa pulitika ay totoong serbisyo ang kanyang maibibigay sa mga mamamayan.
Sineryoso niya ang kanyang pagtakbo matapos siyang kumbinsihin nina Congressman Rodito Alban at Gov. Faustino “Bogie” Dy III na tumakbo sa pagka-kongresista.
Inamin naman ni Mayor Dy na palagi siya sa Kalakhang Maynila dahil tinututukan niya ang kanyang negosyo at hindi pinupuntirya ang pondo ng pamahalaang lokal.
Iginiit niya na hindi niya napapabayaan ang kanyang tungkulin
Samantala, mariing itinanggi ni Mayor Dy ang paratang na ginagamit umano ang ambulansiya ng Local Government Unit (LGU) para sa paghahatid ng mga dokumento sa Kalakhang Maynila na dapat niyang pirmahan.
Kapwa pabor ang dalawang kandidato sa pagkakaroon ng 6 na distrito ng Isabela dahil mas mapagtutuunan ng pansin ang pag-unlad ng mga bayan na nasasakupan ng bawat distrito.
Mas malaking pondo anila ang mailalaan sa bawat bayan kaya mas mapapaunlad ang mga ito.
Hinggil sa illegal na sugal, sinabi ni Mayor Dy na walang illegal gambling den sa kanilang bayan dahil pinapatigil ng mga pulis ang anumang illegal na sugal.
Gayunman, sinabi niya na may permit ang legal na palaro sa Alicia, Isabela.
Sa panig ni Ginoong Siquian, sinabi niya na marami mang kubrador na natutulungan ay hindi ito magandang ehemplo sa mga kabataan.
Hindi aniya puwedeng gawing tama ang mali.
Magkatulad din ang kanilang pananaw sa isyu ng political dynasty na nakasalalay sa mga tao kung iboboto o hindi ang mga pulitiko na magkakamag-anak.
Sinabi nila na patuloy na ibinoboto ng mga tao ang mga nasa political dynasty dahil sa mahusay nilang serbisyo.
Sinabi pa ni Mayor Dy na hindi dapat lahatin kung ang isang miyembro ng pamilyang pulitiko ay sangkot sa maling gawain dahil magkakaiba ang kanilang paraan ng pagbibigay ng serbisyo.
Hinggil sa pagpuna na bakit hindi ospital kundi private supermarket ang itinayo sa kanilang bayan. Ipinaliwanag ni mayor ian dy na hindi private supermarket kundi private-public commercial complex ang itinayo na nangangahulugan na umuupa ang isang malaking kompanya sa kanila at ang mga puwesto sa tagiliran ay ipinapaupa para magkaroon ng kita ang LGU Alicia.
Hindi ospital ang ipinatayo dahil sa kaulangan ng pondo para sa sahod ng mga fulltime na doctor at nurses.
Ganito naman ang sagot ng dalawang kandidato sa pagbili ng boto ng ilang kandidato tuwing halalan .