Maagang bumisita ang ilang mamamayan sa mga pribadong sementeryo sa lungsod ng Cauayan upang maglinis sa mga puntod ng mga mahal nila sa buhay at para maiwasan ang maraming bilang na mga tao na kanilang makakasalamuha sa araw ng Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Geraldo Leal isa sa bumisita, mga alas sais kaninang umaga nagtungo na ito sa sementrryo upang mag-alay ng kandila at magpalinis sa puntod ng kanyang mga yumaong magulang. Ayon pa sa kanya, ganito na ang kanyang nakasanayan tuwing Undas dahil ayaw nitong maipit sa dami ng mga mamamayang magtutungo din sa pribadong sementeryo upang dumalaw sa kani-kanilang mga yumao.
Isa sa pinaka-gugustuhan nito ay ang panahon ng Undas, bagaman ito’y pag-alala para sa mga namayapang mahal sa buhay, ito rin ang panahon na lahat ng kanyang kapamilya ay nagtitipon-tipon. Aniya, tuwing Undas lumuluwas ang kanyang mga kaanak galing Metro Manila para sa paggunita ng mga namayapa, itinuturing na din nila itong mini reunion sa kanilang magka-kapamilya. Masakit nga lang sabi niya dahil sa araw ng Undas ay inaalala ang mga namayapang mahal nila sa buhay ay dito naiipon ang kanilang mga kamag-anak na matagal nilang hindi nakikita.
Giit pa niya, babalik ito bukas kasama na ang kanyang mga kaanak para magset-up ng mga tent nang sa ganon may masilungan sakaling dumating ang iba pa nilang mga kapilya galing Metro Manila.
Kaugnay nito maagang dumalaw sa mga sementeryo ang ilang residente ng Lungsod ng Cauayan bago pa man sumapit ang Undas upang makaiwas sa siksikan at mabigat na daloy ng trapiko na karaniwang nararanasan tuwing undas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sol Magpantay, 76 years old at residente ng Barangay Minante 1, sinabi niyang mas pinili niyang maagang bumisita sa puntod ng kanyang yumaong asawa upang maiwasan ang dagsa ng tao at abala sa trapiko.
Ayon kay Tatay Sol, hindi na niya hinintay ang mismong Araw ng mga Patay dahil sa kanyang kalagayang pisikal at edad. Nakasaklay umano siya at madalas nang makaranas ng pamamanhid sa kanyang paa, dahilan upang maging mahirap para sa kanya ang makipagsiksikan sa sementeryo.
Dagdag pa niya, isa rin sa mga dahilan ng kanyang maagang pagdalaw ay ang posibilidad na magkaroon ng aberya sa kanyang sasakyan.
Ibinahagi rin ni Mang Sol na nakagawian na niya ang pagbisita sa puntod ng kanyang asawa tuwing Undas bilang paraan ng pag-alala at pagdarasal para sa kaluluwa nito.
Gayunman, sa mga nakalipas na taon ay mas pinipili na niyang gawin ito nang mas maaga upang maiwasan ang matinding trapiko at mahabang pila sa mga sementeryo.











