CAUAYAN CITY – Dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Maymay ay may mga daan sa Region 2 ang isinara at hindi na madaanan ng mga sasakyan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Wilson Valdez, tagapagsalita ng DPWH region 2 na patuloy ang pagmonitor ng kanilang tanggapan pangunahin na ang mga kawani sa maintenance division sa bagyong Maymay.
Nakapreposition na rin ang kanilang mga equipment at maintenance crew sa lahat ng areas of responsibility ng kanilang District Offices.
Dahil sa mga nararanasang mga kalat-kalat na malalakas na pag-ulan ay ilang daan sa rehiyon ang hindi na madaanan.
Hindi na madaanan ng mga light vehicles ang Bangag-Magapit Road, Daan-Ili, Allacapan, Cagayan dahil sa mataas na antas ng tubig baha at tanging mga truck o malalaking sasakyan ang maaring dumaan.
Sinabi pa ni Ginoong Valdez na hindi pa rin nadadaanan ng anumang sasakyan ang interconnectivity Road ng Quirino-Aurora pangunahin na sa bahagi ng Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Noong mga nakalipas na linggo ay nagkaroon ng pagguho ng lupa sa nasabing lugar at nasama sa pagguho ang bahagi ng kalsada.
Ilang araw na ring isinasaayos ng DPWH Quirino ang naturang lansangan dahil sa pagkakaroon ng malalaking tipak ng mga bato.
Dahil sa malalakas na pag-ulan ay may mga bahagi ng daan ang gumuho sanhi para hindi na madaanan.
Mayroon ding Alternate Route patungong Quirino o ang Aurora-Castanieda-Maria Aurora-San Luis Road subalit lubhang napakadelikado dahil sa matarik na mga daan.
Sa ngayon ang kanilang mga tauhan at kagamitan ay ipinakalat na habang naka-alerto na rin ang mga naka-standby nilang tauhan.
Samantala, inihayag ni Ginoong Valdez na ang mga daan papasok at papalabas sa lambak ng Cagayan pangunahin na ang papuntang Maynila ay wala namang suliranin.