--Ads--

Sa pagdami ng mga impormasyon kaugnay sa vote buying sa lungsod ng Santiago ay tiniyak ng Commission on Elections o Comelec ang patuloy na pag-iimbestiga at tiniyak ang pagpapadala ng show cause order sa mga kandidato na masasangkot katuwang ang Philippine National Police.

Sa ngayon ay maituturing pa rin ang mga ito bilang mga hearsay dahil sa patuloy pa ang pangangalap nila ng ebidensya laban sa mga sangkot na kandidato.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenny Mae Gutierrez, Election Officer ng Comelec Santiago, sinabi niya na sa ngayon ay isang complaint affidavit kaugnay sa nagviral na drone shot sa social media ang kanilang natanggap na nakatakda nilang ipasa sa Comelec Main Office.

Sa katunayan ay may dalawa na naman silang kandidato na nabigyan ng show cause order kung saan sa mga nagdaang araw ay nasa apat na kandidato rin ang una nilang nabigyan upang pagpaliwanagin patungkol sa vote buying.

--Ads--

Maliban dito ay wala nang pormal na reklamo silang natatanggap patungkol sa vote buying.

Pinaalalahanan naman niya ang mga nagrereport ng vote buying na mag-execute ng affidavit bilang witness o complainant para maifile ng Comelec ang kaso.

Aniya hindi naman nasaksihan ng Comelec ang pangyayari at tanging sumbong lamang ang basehan ng tanggapan sa impormasyon kaya hindi rin magiging valid para makapagsampa ng reklamo ang Comelec.

Hinikayat niya ang mga botante na maglakas ng loob at ilabas ang mga nalalaman kaugnay sa mga nangyayaring vote buying upang masampahan ng kaso ang mga kandidatong bumibili ng boto.

Kapag sinabi lamang o isinumbong lamang ito sa kanilang tanggapan ay magmimistula lamang itong hearsay at walang mangyayari sa kaso.

Samantala wala namang kandidato ang nagpatuloy sa pangangampanya kahapon ng gabi kung kailan ang pagtatapos ng panahon ng campaign period.