--Ads--

Sugatan ang ilang indibidwal matapos tumagilid ang isang truck sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Purok 7, Barangay Poblacion, Sta. Fe, Nueva Vizcaya, bandang alas-11:30 ng umaga noong Marso 29.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Allan Jalmasco, Operations Officer ng Sta. Fe Police Station, sinabi nitong nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck habang binabagtas ang pababa at pakurbadang bahagi ng highway.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nakaranas umano ng problema sa preno ang sasakyan dahilan upang magtuloy-tuloy ito at tumagilid sa gilid ng kalsada. Sa lakas ng impact, nadamay pa ang isang sasakyan na nakasunod sa truck na nagresulta sa pagkasugat ng mga sakay nito.

Kinilala ang driver ng truck na nasa hustong gulang at residente ng nasabing lugar, habang kabilang sa mga nasugatan ang isang pasahero na agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng paunang lunas.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at rescue personnel sa pinangyarihan ng insidente at nagsagawa ng clearing operations upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Sinabi pa ni PLt. Jalmasco na posibleng pangunahing dahilan ng aksidente ang pagkasira ng preno ng truck kasabay ng delikadong kondisyon ng kalsada na pababa at pakurba.

Dagdag pa nito, kilala umano ang naturang lugar bilang accident-prone area dahil sa matarik at kurbadang disenyo ng kalsada.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang detalye ng insidente.

Samantala, muling pinaalalahanan ng Sta. Fe Police Station ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan bago bumiyahe at mag-ingat lalo na sa mga delikadong bahagi ng kalsada upang maiwasan ang kaparehong insidente.