--Ads--

CAUAYAN CITY – Pitong buwan na ang nakalipas simula nang manalasa ang super typhoon “lawin” subalit malaki pa rin ang epekto nito sa pamumuhay ng mga katutubong Agta sa lunsod ng Ilagan sa lalawigan ng Isabela.

Matatandaan na October, 2016 nang manalasa sa ang bagyong Lawin sa ilang lugar dito sa Nothern Luzon kung saan umabot ang lakas nito sa signal no. 5.

Ayon kay Eston Cabaldu, 20 anyos, apektado pa rin sila sa iniwang pinsala ng bagyo dahil nagiging madalang na umano ang mga isda na nakukuha nila sa ilog.

Nagkaroon pa aniya ng pagguho ng lupa kaya natabunan na ng mga malalaking punungkahoy ang kanilang mga sakahan.

--Ads--

Paminsan-minsan din silang umuuwi sa kanilang lugar sa Agta Community sa lungsod ng Ilagan dahil kadalasan ay naroon sila sa mga kaiingin upang magtanim ng kanilang ikabubuhay.

Kamakailan lamang ay nagbabaan sila upang tanggapin ang mga gaserang ilaw na ipinamahagi ng isang foundation at sa tulong na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Dagdag pa ni Cabaldu na ang mga drama pa rin ng Bombo Radyo ang kanilang pinakikinggan upang pansamantalang mawaglit sa kanilang kaisipin ang nararanasang hirap sa buhay.