CAUAYAN CITY – Ilang lalawigan at lunsod sa Lambak ng Cagayan ang tinututukan ng DOH Region 2 dahil sila ay maituturing nang nasa critical, high at moderate risk category na dahil sa mga naitatalang positibo sa Covid 19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nica Taloma ng DOH Region 2, sinabi niya napakalaking hamon sa kanila ang pagtutok sa mga lugar na maraming kaso dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng mga naitatala.
Ayon kay Dr. Taloma nasa dalawandaan hanggang tatlong daan ang naitatala kada araw sa mga nagdaang linggo sa rehiyon dos.
Pinaka-tinututukan ngayon ng DOH Region 2 ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya dahil sa dami ng mga naitatalang kaso habang hindi naman gaanong marami ang kasong naitala sa lalawigan ng Batanes.
Ayon sa DOH Region 2 nasa Critical Risk Category na ang lalawigan ng Quirino dahil nakitaan ng tatlong daang bahagdan ng pagtaas ng kaso ng Covid 19 sa lalawigan at sinundan naman ito ng lalawigan ng Cagayan, Lunsod ng Tuguegarao at Santiago na nasa High Risk Category na.
Nasa Moderate Risk Category naman ang mga lalawigan ng Isabela at Nueva Vizcaya.
May mga bayan ding binabantayan ng DOH Region 2 kabilang na rito ang mga bayan sa lalawigan ng Cagayan pangunahin na ang Aparri, Lallo, Allacapan, Solana, Piat, Iguig, PeƱablanca at Baggao habang sa lalawigan ng Isabela ay ang mga bayan ng Mallig, Delfin Albano, San Isidro, Quirino, Burgos, Cordon, Roxas, Quezon, Jones, San Mateo, Angadanan at Reina Mercedes.
Habang sa lalawigan ng Quirino ay binabantayan ng DOH Region 2 ang Diffun, Cabarroguis at Aglipay.
Panghuli ang bayan ng Solano sa Nueva Vizcaya na mataas ang naitatalang mga kaso sa mga nakalipas na araw.
Hinikayat naman ng DOH Region 2 ang mga mamamayan na makipagtulungan upang masolusyonan na ang maraming kasong naitatala sa Rehiyon.