Nananatiling lubog sa baha ang ilang lugar sa Cauayan City, Isabela matapos ang pananalasa ng bagyong Uwan. Sa ilang barangay, abot-bubong pa rin ang tubig, habang maging ang mga bahay na may ikalawang palapag ay hindi rin nakaligtas sa pag-apaw ng tubig.
Ayon sa mga residente, mabilis umanong tumaas ang tubig dahil sa magkasabay na epekto ng malakas na ulan at pagpapakawala ng tubig mula sa dam. Dahil dito, napilitan ang ilang residente na magtayo ng pansamantalang tirahan o tent sa mas mataas na bahagi ng kanilang lugar upang mabantayan ang mga natitirang gamit at alagang hayop.
Samantala, umabot na sa 129 pamilya o katumbas ng 474 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa F. L. Dy Coliseum na itinakdang evacuation center ng lungsod. Ang mga evacuee ay mula sa walong barangay na apektado ng patuloy na pagbaha.
Ayon sa mga awtoridad na nagbabantay sa lugar, nanatiling maayos at payapa ang kalagayan ng mga evacuee sa buong magdamag. Sa ngayon, hindi pa rin pinapayagang bumalik ang mga residente sa kanilang mga bahay dahil sa patuloy na mataas na antas ng tubig at banta ng muling pagbaha.
Samantala, inuna ng ilang residente sa lungsod ang paglilikas ng kanilang mga alagang hayop noong nanalasa ang bagyong Uwan noong Nobyembre 9, 2025. Sa halip na unahin ang mga gamit sa bahay, pinili nilang tiyakin muna ang kaligtasan ng kanilang mga alaga mula sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Ayon kay Ginoong Romulo Tolentino, isa sa mga residente, agad nilang pinagtulungan ng kanyang pamilya na ilikas ang tatlong baboy at ilang manok nang mapansin nilang patuloy na tumataas ang tubig sa kanilang lugar. Aniya, muntik na ring malunod ang mga ito dahil sa lakas ng agos at lalim ng baha.
Nahirapan sila sa paglilikas kasi nahuhulog pa sa sasakyan ‘ang kanilang mga baboy. Pero hindi nila kayang iwan ang mga ito dahil parte na sila umano ng pamilya.
Sa kasalukuyan, abot pa rin umano sa kalahati ng kanilang bahay ang tubig baha, dahilan upang manatili muna sila sa ligtas na lugar habang inaasahan ang unti-unting paghupa ng tubig sa mga susunod na araw.
Patuloy namang nananawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na huwag munang bumalik sa mga apektadong lugar hangga’t hindi ligtas ang antas ng tubig at kondisyon ng panahon.











