--Ads--

Nagpahayag ng pagkadismaya ang maraming magsasaka sa umano’y kakulangan ng aksyon ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa kanilang kalagayan.

Ito ay may kaugnayan sa patuloy at malakihang pag-aangkat ng bigas sa bansa sa kabila ng sinasabing magandang ani ng lokal na mga magsasaka.

Ayon sa grupo, nagreresulta ito sa mababang farmgate price ng palay dahil sa dami ng imported na bigas na pumapasok sa merkado.

Pangunahing binatikos ng mga magsasaka si Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. dahil umano sa hindi pag-aksyon sa isyu.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers, sinabi nitong mandato ng kalihim ng DA na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa lawak ng importasyon at magrekomenda ng kaukulang hakbang, kabilang ang pagpapataw ng mas mataas na taripa, kung mapatutunayang naaapektuhan na ang lokal na produksyon.

Ayon kay Montemayor, limang buwan na ang nakalilipas mula nang magsumite sila ng petisyon sa DA, ngunit hanggang ngayon ay wala pa umanong pormal na imbestigasyon. Aniya, nakapagsumite na rin sila ng mga dokumento at ebidensiya bilang suporta sa kanilang kahilingan, subalit nananatiling walang tugon ang ahensya.

Ikinumpara pa ni Montemayor ang aniya’y mabagal na aksyon ng DA sa mas mabilis na pagtugon ng Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng pamahalaan sa hiwalay nilang mga isyu na agad namang nabigyan ng solusyon.

Patunay lamang aniya ito ng kawalan ng importansya para sa kalihim ang mga isyung kinakaharap ng pinamumunuan nitong ahensya.

Umaasa ngayon ang grupo na matatalakay ang usapin sa darating na pagdinig ng Special Committee on Globalization ng House of Representatives of the Philippines.