CAUAYAN CITY – Inatake ng mga peste ang ilang maisan sa Cauayan City na huling naitanim ngayong cropping season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Acting City Agriculturist Ricardo Alonzo, sinabi niya na karamihan sa mga tinamaan ng pesteng fall army worms ay ang mga huling nakapagtanim ngayong cropping season lalo na ang mga naitanim noong huling bahagi ng Enero 2020.
Ang mga ito rin umano ang napinsala sa mga naranasang pagbaha sa lunsod noong nakaraang taon.
Pangamba ng City Agriculture Office na posibleng maapektuhan ng mga peste ang ani ng mga magsasaka.
Ayon pa kay City Agriculturist Alonzo, kung ikukumpara sa kabuang lawak ng maisan sa lungsod ay maliit na bahagdan lang naman ang inatake ng mga peste.
Ilan sa mga magsasaka ay naka-enroll sa crop insurance.
Kaugnay nito muling hinimok ng City Agriculture Office ang mga magsasaka na ipaseguro ang kanilang pananim upang may magamit sila sakaling mapinsala ang kanilang taniman o sakahan.












