--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi pabor ang ilang mamamayan sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabibigyan ng karagdagang ayuda o cash grant ang mga buntis at bagong panganak na benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito ay dahil sa pag-aakala ng ilang mamamayan na pinupuna ng gobyerno ang lahat ng pangangailangan ng bawat pamilya at pag-aakala na mas lalong lolobo ang populasyon ng Pilipinas dahil sa benipisyong matatanggap.

Ang mga kwalipikadong benipisyaryo ay ang mga buntis, kasalukuyang nagpapa breastfeed, at may anak na edad dalawa pababa dahil hangad ng pamahalaan na tutukan ang first 1000 days ng bata.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Christina Munar, residente ng Echague Isabela, sinabi niya maganda ang hangarin ng programa kung sapat ang pondo ng pamahalaan.

--Ads--

Sa ngayon aniya ay marami nang dapat paglaanan ng pondo.

Dagdag pa nito, dapat natuturuan ang mga 4Ps beneficiary sa tamang family planning upang maiwasang mabuntis kung hindi pa handa.

Lumalabas kasi umano na kinukunsinti ng pamahalaan ang pagbubuntis ng mga benepisaryo sa kabila ng kahirapan sa buhay.

Ayon pa sa ilang mamamayan, kadalasan na sa mga myembro ngayon ng 4Ps ay hindi na matawag na mahihirap dahil ang ilan ay konkreto na ang mga bahay at ang ilan ay nasasangkot pa sa illegal gambling.