CAUAYAN CITY – Ikinalungkot ng pamunuan ng School’s Division Office o SDO Isabela na may ilang manlalarong nakakuha ng ginto sa Cagayan Valley Regional Athletics Association o CaVRAA ang malabong makapaglaro sa Palarong Pambansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rachel Llana, Superintendent ng SDO Isabela sinabi niya na ang ipapadala sa Palarong Pambansa ay ang mga manlalarong pasok sa qualifying standards kaya may mga manlalarong hindi pwedeng maglaro sa darating na Palarong Pambansa sa buwan ng Hulyo.
Kabilang na rito ang kanilang swimmer na hindi umabot sa qualifying time ng Palarong Pambansa.
Isa aniya ito sa malungkot na pangyayari sa SDO Isabela lalo na sa mga atletang ibinigay ang buong puso sa pagkamit ng ginto sa CaVRAA.
Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang ilalabas na guidelines ng National Secretariat ng Palarong Pambansa upang malaman nila kung ilang atleta ang makakapaglaro sa buwan ng Hulyo.
Ang tiyak lamang nila ngayon ay mga manlalaro sa Team Events na nagkampeon sa nakaraang CaVRAA ang magrerepresenta sa Cagayan Valley Region sa Palarong Pambansa.