
CAUAYAN CITY – Pag-aari ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Komiteng Larangang Guerilla Quirino-Nueva Vizcaya ang mga high powered firearms at mga bala na isinuko sa mga kasapi ng 86th Infantry Battalion Philippine Army sa barangay Nagabgaban Aglipay, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni 2Lt. Judylyn Bugante, Civil Military Operations Officer ng 86th IB Philippine Army na kabilang sa mga isinuko ang dalawang M16 armalite rifle na may dalawang magazine at 69 rounds ng bala kasama na ang mga subersibong dokumento, medical supplies at mga personal na kagamitan ng mga rebelde.
Sinabi ni 2Lt Bogante na isang dating supporter ng mga rebelde ang nagsuko sa mga nabanggit na baril, bala at mga kagamitan ng mga rebelde.
Nagbalik-loob sa pamahalaan ang dating supporter ng mga rebelde at nagpasyang ipasakamay ang mga ito sa mga sundalo.
Sinabi pa ni 2Lt. Bugante na dahil sa patuloy na Community Support Program (CSP) ng 86th IB sa Aglipay, Quirino ay nakipag-ugnayan mismo ang dating supporter ng NPA sa mga sundalo para sa kanyang pagbabalik-loob sa pamahalaan.










