--Ads--

CAUAYAN CITY- Nararanasan ngayon ang mas matumal na bentahan ng karne ng Baboy sa Lungsod ng Cauayan ngayong buwan ng Oktubre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Gelene Ferrer, isang meat vendor, sinabi niya na noong buwan ng Setyembre ay matumal na ang bentahan ng karne ng baboy ngunit hindi umano nila inasahan na sasalubungin nila ang mas matumal na bentahan ngayon buwan ng Oktubre.

Kung dati aniya ay nasa apat hanggang limang baboy ang kanilang naibebenta sa loob ng isang araw, ngayon ay isang baboy na lamang ang kanilang kinakatay at pahirapan pa umano ang pagbenta.

Isa naman sa mga nakikita nilang dahilan sa tumal ng bentahan ay ang nararanasan umanong krisis at dahil sa binabantayang kaso ng African Swine Fever o ASF sa ilang munisipalidad sa lalawigan ng Isabela.

--Ads--

Aniya, malaki ang ibinaba ng kanilang kita ngayon kung ikukumpara noong nakaraang taon sa kaparehong buwan.

Kadalasan kasing tumataas ang kita nilang mga Meat Vendor pagsapit ng ‘Ber Months’ dahil na rin sa pagtaas ng demand ngunit kabaliktaran umano ito sa kanilang inaasahan.

Dahil sa matumal na bentahan ay tumaas ng bahagya ang presyo ng karne ng baboy kung saan mula sa dating 250 pesos hanggang 280 pesos kada kilo, ngayon ay naglalaro na ito sa 270 hanggang 300 pesos per kilo.