--Ads--

Dumulog sa Korte Suprema ang 29 na supporter ng mga Duterte para harangin ang pag-usad ng reklamong impeachment kay Vice President Sara Duterte.

Naghain ng Petition for Certiorari and Prohibition si Atty. Israelito Torreon, dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Atty. Martin Delgra III, at 27 pang petitioners na humihiling din na maglabas ang hukuman ng TRO (temporary restraining order) at writ of preliminary injunction.

Paliwanag ni Torreon, tila pamumulitika lamang ito para pigilan ang maaaring paglahok ng VP Sara sa 2028 Presidential Elections.

Malilihis din umano ang paniniwalang 32-milyong Pilipino na bumuto sa bise presidente kapag hinayaan gumulong ang impeachment.

--Ads--

Kinuwestyon din ng petitioners ang proseso ng paghahain ng reklamo na hindi dumaan sa berepikasyon.

Hiling nila sa Supreme Court na pigilan ang Senado na aktuhan ang umano’y depektibong impeachment complaint na ipinadedeklara nila na walang bisa.