Isinusulong ng ilang mga awardee sa Most Outstanding Isabela Women Leaders ng lalawigan ang adbokasiyang “babae – abante ka” kung saan ang layunin ay hindi mapag-iwanan ng panahon ang mga kababaihan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Hon. Virginia Sy, Committee chairperson ng Indigenous Group sa Jones, Isabela sinabi niya na tanging pagseserbisyo lamang ang kanyang hangarin kung saan ayaw niyang mahuli at malait ang kakayahan ng mga kababaihan lalong lalo na ang mga indigenous people.
May mga pagkakataon kasi aniya na ang mga babaeng indiginous people ay takot na magpasok ng kanilang tsinelas sa isang establisimyento at ito ang nag udyok sakanya upang magpatupad ng ordinansa na magbibigay ng importansya sa mga kababaihan.
Hindi dapat aniya mapababang puri ang mga kababaihan kahit anong estado nito sa buhay at kahit anong etnisidad nito.
Dagdag pa ni Ginang Sy, walang hindi kayang gawin ang mga kababaihan kaya marami na silang napatunayan sa buhay.
Mayroon na aniyang mga propesyon na hindi lamang mga kalalakihan ang empleyado tulad na lamang ng pulis, bombero, at iba pa. Kaya dapat ay hindi maikumpara ang kakayahan ng mga kababaihan.
Sa bayan ng Jones ay binibigyan aniya nila ng pagkilala hindi lamang ang mga indigenous people kundi pati na rin ang mga single mother, pwd, at mga estudyante.