CAUAYAN CITY- Kinakailangan pang tumawid sa ilog ng ilang mga mag-aaral sa bayan ng San Agustin, Isabela para lamang makapasok sa paaralan at makauwi sa kanilang mga bahay.
Sa kuhang videos ng isang residente mula sa nabanggit na bayan ay makikita na karga-karga ng isang lalaki ang batang estudyante para maitawid ito sa ilog papunta sa paaralan maging na din na makikita sa video ang grupo ng mga estudyante na pilit na tinatawid ang ilog para lamang makauwi galing sa kanilang paaralan.
Wala kasi umanong tulay at bangka sa nasabing ilog na maaaring gamitin kaya naman pahirapan para sa mga residente ang pagtawid pangunahin na sa mga estudyante na kinakailangan pang sumuong sa ilog sa halos araw-araw para lamang makapasok sa eskwela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Cesar Mondala ng San Agustin, Isabela, sinabi niya na matagal nang ganito ang sitwasyon sa naturang ilog.
Aniya, mayroon naman dati umanong bangka sa lugar ngunit maaaring nasira na umano ito kaya wala nang magamit ang mga residente.
Dahil dito ay plano nilang magpagawa ng malaking bangka para may magamit ang mga residente sa pagtawid.
Nagpaala naman ang alkalde sa mga residente na maging alerto sa posibleng banta ng bagyong Gener.