CAUAYAN CITY- Ipinagtataka ng mga Overseas Filipino Workers sa Lebanon ang abiso ng pamahalaan ng Pilipinas na humihikayat sa mga Pilipino na lisanin na ang ang naturang bansa dahil sa tumitinding giyera sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bombo International News Correspondent Sung Nunag na wala namang gulo sa mga pangunahing siyudad sa Lebanon maliban na lamang sa Southern part ng naturang bansa kung saan mainit ang tensiyon.
Normal naman umano ang sitwasyon doon dahil nakakalabas pa ang mga residente, bagay na hindi pwedeng gawin kung may giyera.
Dahil dito ay nananawagan siya sa Department of Foreign Affairs na magpadala ng tauhan sa Lebanon para makita nila ang tunay na sitwasyon sa lugar bago sila magpa-repatriate.
Aniya, magastos para sa kanila kung babalik sila ng Pilipinas lalo na at wala naman umano silang aasahan na magandang trabaho kapag nakabalik sila ng bansa.
Nilinaw niya na hindi pa nagpapatupad ng paghihigpit ang gobyerno ng Lebanon at hanggang sa ngayon ay bukas pa rin ang mga paliparan at pantalan.
Bagama’t nag-abiso na rin ang Estados Unidos kaugnay sa repatriatriation ng kanilang mga kababayan ay marami pa rin naman ang mga banyaga na mas piniling manatili sa Lebanon.