--Ads--

CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng kilos protesta sa harapan ng embahada ng Pilipinas sa Lebanon ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) upang ipanawagan na tanggalin na ang Alert Level 3 at payagan na ang mga Pilipino na makapunta sa nasabing bansa.

Una nang ipinatupad sa nasabing bansa ang voluntary repatriation sa ilalim ng Alert Level 3 dulot ng naging pag-atake ng Israel sa grupong Hezbollah na nasa Lebanon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Meriam Prado, Sang Nunag, at Lynlove Andres, mga OFW sa Lebanon, kanilang inihayag na kung ihahambing sa mga nagdaang giyera sa Lebanon ay hindi umano hamak na mas malala ang mga naitalang giyera noon subalit walang naipatupad na pagbabawal sa mga OFW na magtungo sa nasabing bansa.

Ayon kay Nunag, hindi naman anya gaanong katindi ang tensyon sa nasabing bansa subalit patuloy pa ring ipinapairal ang Alert Level 3.

--Ads--

Inihalimbawa naman ni Prado ang kanyang kapatid na umuwi sa Pilipinas na walang trabaho ngayon matapos hindi payagang makabalik sa Lebanon.

Ilang OFW rin umano ang piniling hindi dumalo sa mga graduation ng mga anak at burol ng mga namatay na kaanak dahil sa takot na hindi makabalik sa nasabing bansa.

Una na rin silang dumulog sa Philippine Embassy subalit nananatili pa rin ang paninindigan ng embahada kaugnay sa nakataas na alerto sa Lebanon.

Ayon kay Andres,  sa linggo ay magkakasa sila ng protesta upang manawagang tanggalin sa Lebanon ang Alert Level 3.