CAUAYAN CITY – Nanawagan ang ilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia na tulungan silang makauwi sa bansa matapos na mamatay ang isa nilang kasamahan at magpositibo pa ang isa sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Noly Cabaranggao Garcia, OFW at driver sa isang bus company sa Riyadh, Saudi Arabia na tubong Naguilian, Isabela, sinabi niya na gusto na nilang makauwi dahil bukod sa wala na silang makain doon ay nakakaramdam na rin sila ng ilang sintomas ng COVID-19 tulad ng ubo.
Aniya, nangangamba na sila dahil may isa na silang kasamahan na namatay dahil sa nasabing sakit at may isa pa silang kasamahan na kasama niya mismo sa kuwarto na kanilang tinutuluyan ang positibo sa COVID-19.
Sa ngayon ay may mga nagtutungo na umano roon para kunan sila ng sample.
Sinabi pa nito na sa ngayon ay nakikikain na lamang sila sa mga kapwa nila Pinoy dahil wala na rin silang pera na pambili ng kanilang makakain.
Wala naman aniya silang natatanggap na tulong kahit man lamang relief goods.
Nagpadala na umano sila ng mensahe sa embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia subalit hanggang ngayon ay wala pa silang tugon.
Ayon kay G. Garcia, dahil wala silang natatanggap na tulong ay nag-eehersisyo na lamang sila para kahit papaano ay lumakas ang kanilang katawan at nang maiwasang mahawa sa nasabing sakit.











