CAUAYAN CITY- Maraming paaralan sa Cagayan Valley ang nakararanas ng kakulangan sa pasilidad ngayong pagbubukas ng klase, dahilan upang magpatupad ng double shifting sa ilang eskwelahan.
Kaugnay nito, inatasan ng DepEd Regional Office ang mga Schools Division Superintendent (SDS) at School Division Offices (SDO) na magsagawa ng monitoring sa lahat ng paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DepEd Regional Director Dr. Benjamin Paragas, sinabi niyang maayos naman ang pagsisimula ng klase sa rehiyon, maliban sa ilang paaralan na may mataas na bilang ng enrollees at kinailangang magsagawa ng double shifting. Ilan sa mga ito ay:
Balbayug National High School
Cagayan National High School
Santiago City Patul High School
Solano National High School
Cauayan City National High School
Cauayan City Stand-Alone Senior High School
Cauayan South Central School
Nakapagtala rin ngayong taon ng maraming late enrollees, isang kaugalian aniya ng ilang magulang at estudyante. Ayon pa kay Dir. Paragas, nagpapatuloy pa rin ang enrollment kaya’t inatasan ang mga guro na tanggapin ang mga late enrollees kahit na ito ang dahilan ng pagkaantala sa pagsusumite ng datos.
Samantala, nagsimula na noong Hunyo 16 ang pilot implementation ng Strengthened Senior High School Program kung saan mula sa dating 15 strands, lima na lamang ang retained subjects na hinati sa dalawang track: Academic at Tech-Voc ,layunin nitong makalikha ng mga Job-Ready Senior High School Graduates.











