--Ads--

May ilang kalsada pa rin palabas at papasok sa Region 2, pangunahin sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, na hindi pa rin madaanan dahil sa landslide at mga natumbang punongkahoy na humahadlang sa daloy ng trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na agad namang nabuksan ang kalsada para sa mga motorista matapos malinis ng mga kawani ng DPWH at iba pang otoridad ang mga naiwang debris mula sa pananalasa ng bagyong Uwan.

Sa ngayon, passable na ang Maharlika Road mula Sta. Fe hanggang Diadi para sa mga motorista.

Ang tanging hindi pa rin madaanan ay ang kalsadang patungo sa Pangasinan, pangunahin ang Sta. Fe–Malico, dahil sa bumigay na bahagi ng kalsada na hindi na maaaring daanan ng kahit anong sasakyan.

--Ads--

Sarado rin ang Nueva Vizcaya–Baguio Road dahil sa dami ng naitalang landslide.

Dahil sa hindi pa mabuksan ang ilang pangunahing kalsada, nagpokus na ngayon ang mga otoridad sa paglilinis ng mga inner roads.