--Ads--

Naramdaman ng ilang mga Pilipino sa Qatar ang pag-atake ng Iran sa base militar ng US sa bansang Qatar.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Kean Santiago na bagama’t may kalayuan ang kanilang tinutuluyan sa US military base ay nakaramdam pa rin sila ng mga kalabog sa kanilang bahay na nagmula sa pinalipad na missiles ng Iran.

Aniya, personal umano nilang nasaksihan ang paglipad ng mga missiles at kung paano ito naiintercept ng US.

Nagdulot umano ito ng takot at pangamba sa mga residente na naroroon lalo na sa panig ng nilang mga Pinoy dahil ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganitong pangyayari sa kanilang pananatili sa Qatar.

--Ads--

Agad umano siyang tumawag sa tanggapan ng Philippine Embassy maging sa Department of Migrant Workers at sila’y inabisuhan na manatili na lamang muna sila sa kanilang tinutuluyan habang hindi pa ligtas ang sitwasyon.

Wala naman umanong bumagsak na missile dahil nagawa naman itong I-intercept Qatar subalit mayroon pa ring mga naapektuhan gaya na lamang ng isang pampublikong hospital na nabagsakan ng mga rocket debris dahilan upang mag-panick ang mga tao.

Nangangamba naman sila kung sakaling gumanti ang Qatar sa Iran na maaaring magdulot ng mas matinding tensiyon.

Wala kasing bomb shelter sa kanilang kinaroroonan at kapag nagkataon ay wala silang ligtas na pagtataguan.