
CAUAYAN CITY – Naniniwala ang ilang Pilipino na may positibong epekto ang planong paglilipat ng capital ng Indonesia mula sa Jakarta.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International News Correspondent Vivian Villanueva na pabor siya sa plano ng Indonesian Government na ilipat sa Kalimantan ang capital ng Indonesia dahil sobra na ang traffic sa Jakarta at isa na rin itong business district.
Aniya, mismong si President Joko Widodo ang pumili sa Kalimantan dahil gusto nilang mapaganda ang imprastraktura sa lugar.
Maganda aniya ang Kalimantan dahil malapit sa ibang lugar at maganda itong pagtayuan ng mga negosyo.
Dahil dito, maganda rin itong oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho at sa mga gustong magnegosyo.
Sa ngayon ay wala pa namang tumututol na mga local residents sa naturang plano ng kanilang gobyerno.
Ang ikinababahala lamang nila ngayon ay maraming rainforest sa lugar at malaki ang magiging epekto kapag naging city na ito kaya dapat pa rin nilang timbangin.
Ang Kalimantan aniya ay malayo sa Jakarta at kailangan pang sumakay ng eroplano.
Samantala, sa kabila ng mataas na kaso ng COVID-19 ay nagsasagawa na ng face to face class sa Indonesia.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Vivian Villanueva na ang Ministry of Education ng Indonesian Government ay nag-utos na magkaroon na ng face to face class.
Aniya, kahit may tutol dito ang mga tao lalo na ang mga paaralan ay kailangan nilang sumunod at nagpapatupad na lamang ang mga paaralan ng iba’t ibang estratehiya.
Kabilang na rito ang pagsasara ng mga paaralan ng isang linggo kapag nakapagtala ng kaso ng COVID-19 at balik sila sa online learning.
Sa pagdiriwang aniya ng Chinese New Year ay tumaas ang kaso kaya bumalik sa online learning ang mga mag-aaral gayundin ang work from home sa mga nagtatrabaho.
Sa ngayon ay itinuturing na normal na lamang ang COVID-19 sa mga paaralan sa Indonesia.










