Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang stranded sa Dubai, United Arab Emirates matapos na ilang ulit na makansela ang kanilang flight pauwi ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Danica May Jandoc, isang OFW na kasalukuyang nasa Al Rashidiya accommodation ng kanilang agency sa Dubai, sinabi nitong naka-schedule sana ang kanyang pag-uwi noong Marso 2, subalit paulit-ulit itong na-rebook hanggang sa umabot ng Marso 13.
Gayunman, ayon kay Jandoc, hindi na umano sila makapag-rebook sa ngayon dahil wala nang available na flight sa Cebu Pacific hanggang Abril 12, dahilan upang manatili silang stranded sa nasabing bansa kasama ang iba pang OFWs na nakatakda ring umuwi noong mga nakaraang araw.
Dagdag pa niya na bagamat hindi direktang dulot ng kaguluhan sa rehiyon ang pagkansela ng kanilang flight, nakakadagdag pa rin umano sa kanilang pangamba ang mga balita at paulit-ulit na warning na natatanggap sa kanilang mga cellphone tungkol sa posibleng missile attacks.
Ayon pa kay Jandoc, ilang OFWs ang kasama niyang nakansela rin ang flight, kabilang ang mga nakatakdang bumiyahe noong Marso 4 at Marso 6, at isa sa kanila ay nakararanas na rin umano ng stress dahil sa matagal na paghihintay upang makauwi ng bansa.
Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan ng Pilipinas, partikular sa Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang kinauukulang ahensya, na matulungan silang makauwi sa bansa lalo na’t mayroon naman na silang mga tiket ngunit wala lamang available na flight.
Dagdag pa niya, mahalaga na rin ang kanilang agarang pag-uwi dahil hinihintay na rin sila ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas, kabilang na ang kanyang mga anak sa Ramon, Isabela.










