Nangangamba ang ilang mga Filipino sa Israel dahil sa lumalalang tensiyon sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Harrold Agbayani mula sa Haifa, Israel, walang pinipiling oras ang pag-atake ng bansang Iran dahil kahit madaling araw ay nakatatanggap sila ng alarma o babala na mayroong paparating na missile.
Dahil sa walang sariling bomb shelter ang tinutuluyan nilang bahay ay kinakailangan nilang makisilong sa public shelter para sa kanilang kaligtasan.
Lagi aniyang punuan at siksikan ang bomb shelter sa Haifa at halo-halo ang kanilang nakakahalubilo roon mapabata man o matanda at mayroon ding nagdadala ng mga alagang hayop.
Kapag nakatanggap na aniya sila ng alarm sa kanilang mga telepono ay kinakailangan nilang makarating sa bomb shelter sa loob lamang ng sampung minuto.
Kahit sila ay natutulog o kung anuman ang kanilang ginagawa ay kinakailangan nilang tumakbo para sa kanilang kaligtasan.
Pahirapan din aniya sa kanila ang pagtungo sa mga shelters lalo na at mayroon silang alagang matanda na kinakailangan nilang alalayan sa tuwing nakatatanggap sila ng alarma na mayroong paparating na missile.











