Nanawagan sa pamahalaan ng pilipinas ang ilang progresibong grupo sa The Netherlands na bumalik bilang miyembro ng International Criminal Court ang Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bayan Europe Coordinator Lean Jimenez, sinabi niya na sa pamamagitan nito ay makasisiguro na sinumang mga matataas na opisyal na nagkasala ay mapapanagot at mapapatawan ng karampatang parusa.
Ito ay kaugnay sa pag-aresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kinakaharap nitong Crime against Humanity bunsod ng extra judicial killings dahil sa pagpapatupad nito ng war on drugs sa kaniyang administrasyon.
Nanawagan din ito sa publiko na makiisa sa pagtutok sa kasong kinakaharap ni Former Pres. Rodrigo Duterte upang matiyak na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng EJK.
Samantala, nananatili namang mapayapa ang mga isinasagawang kilos protesta sa The Hague Netherlands.
Inihayag ni Bombo International News correspondent Patricia Enriquez, miyembro ng Gabriela, sinabi niya na bagama’t dalawang grupo na magkaibang layunin ang mga nagsasagawa ng kilos protesta sa The Hague ay nananatili naman umanong maayos ang pagsasagawa ng naturang aktibidad.
Aniya, bagama’t nasa iisang lugar lamang umano ang magkabilang grupo ay hindi naman umano sila pareho ng lokasyon dahil iniiwasan naman nilang magkaroon ng tensyon na maaaring mag-ugat sa kaguluhan.
Plano naman ng kanilang grupo na magsagawa ng programa kung saan magbibigay sila series of information para maliwanagan ang publiko hinggil sa naturang isyu.
Tiniyak naman niya na nakabase sa katotohanan ang mga ibabahagi nilang impormasyon at hindi umano sila magapapakalat ng ‘fake news’ o disinformation.








