Ikinababahala na ngayon ng National Public Transport Coalition ang nagaganap na kaguluhan sa Davao Region kaugnay sa ginagawang operasiyon ng Philippine National Police laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay National Public Transport Coalition Convenor Ariel Lim sinabi niya na dahil sa tensyon sa naganap na pagsisislbi ng Warrant of Arrest ng PNP sa KOJC Compound ay naapektuhan ang ilang mga namamasadang Jeepney.
Aniya may mangilan-ngilan sa kanilang mga kasamahan sa sektor ng transportasyon ang nahirapan dahil sa mahigpit na seguridad sa buong Davao Region.
Maraming mga PNP Checkpoints ng Task Force Davao ang itinayo sa iba’t ibang lugar sa Davao na bahagyang nagpapabagal sa daloy ng trapiko sa mga sasakyang papasok sa Poblacion.
Hindi rin nakapagbiyahe ang ilang mga namamasada ng tricycle dahil sa mga umiiral na paghihigpit sa lugar.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang napapaulat na may mga Jeepney Driver operator ang nalugi lalo at pinangangambahan ang deklarasyon ng Martial Law dahil sa kaguluhan sa naturang rehiyon.
Lahat ng mga sasakyang dumadaan sa Task Force Checkpoint ay mahigpit na sinusuri dahil iniisa isa ang mga sasakyang papasok sa lugar.
Sa mga pinaka huling datos na nakarating sa kanila ay nanatili parin ang mga Pulis sa Buhangin District dahil hindi parin natatapos ang ginagawang paghahanap kay Quiboloy.
Sa katunayan ay matagal na rin nilang inirereklamo ang mahigpit na patakaran sa Davao region sa panghuhuli sa mga lumalabag sa motorista at karamihan sa mga ito ay mga namamasadang tsuper kaya una narin nilang hiniling na masilip ito sa Senado dahil hindi na ito makatarungan.
Panawagan nila ngayon na sana ay magkaroon ng bahagyang paghupa ng tensyon dahil sa maging sila ay labis ng nababahala na nagresulta para hindi na makapamasada ang ilan sa kanilang mga miyembro.