--Ads--

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng pamunuan ng Isabela State University – Cabagan Campus ang proseso ng pagpapasahod sa kanilang mga empleyado matapos dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang concerned personnel ng naturang Pamantasan.

Ayon dito, kada buwan ang pagtanggap nila ng sahod ngunit hanggang ngayon ay hindi pa umano nila natatanggap ang kanilang sweldo para sa buwan ng Enero.

Sila umano ang nagpo-proseso sa kanilang sahod at sa dami umano ng mga ‘policies’ na ipinatutupad ay pabalik-balik umano sa kanila ang kanilang mga papel mula sa Budget Office.

Maliban dito ay hindi rin umano naibibigay ng tama ang kanilang Overtime pay at may mga pagkakataon na nababawasan pa ang kanilang Travelling espense reimbursement kahit pa pirmado na ito ng kanilang immediate supervisor.

--Ads--

Samantala, nilinaw naman ISU-Cabagan na natatagalan ang proseso ng pagpapasahod kung hindi compliant sa mga requirements ang isang empleyado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Officer Emerson Barcellano ng ISU – Cabagan Campus, sinabi niya na kada empleyado ang basehan ng kanilang pagpapasahod at naibibigay naman aniya kaagad ang sweldo ng mga ito kung kumpleto sila sa mga dokumentong kinakailangan.

Kapag naibigay na aniya ng mga empleyado ang kanilang Daily Time Rate o DTR ay pinoproseso na ang kanilang sahod at vineverify ito ng kanilang immediate supervisor bago makaratig sa kaniya na executive director.

Iniisa-isa aniya nila ang mga attachment na kinakailangan para sa kanilang pagpapasahod gaya na lamang ng travel order at kapag hindi kumpleto ay ibinabalik umano ito sa kanila para sa compliance.

Iginiit nito na sumasailalim sa seminar ang mga bagong hired na empleyado kung saan nadidiscuss doon ang mga paraan sa pagpapasahod.

Pagdating naman sa usapin ng Overtime pay ay nilinaw ni Barcellano na kinakailangan munang sumulat ng empleyado bago sila mag-render ng karagdagang oras sa trabaho na ieendorso naman ng kanilang immediate supervisor sa Executive Officer para sa approval.

Kung hindi aniya nasunod ang proseso ay hindi ito nababayaran.

Samantala, mayroon din aniyang guidelines na sinusunod sa reimbursement ng travel expenses ng isang empleyado dahil ang actual expenses lang umano nito ang binabayaran.

Binubusisi umano nila ito ng maigi dahil mayroon silang maximum expenses at hindi ito pwedeng lumagpas.

Isa pa sa mga reklamo ay pag-hold ng budget office sa kanilang mga requested items tulad na lamang ng bond paper kahit pa pirmado na ito Executive Officer kaya napipilitan umano silang bumili ng mga kailangan nilang gamit na mula sa sarili nilang bulsa.

Ayon naman kay Barcellano, bago magpalabas ang supply office ng requested items ng isang empleyado ay tinitignan muna nila kung ang hinihingi bang item ay nakapaloob sa Project Procurement Management Plan (PPMP) ng nag-re-request nito.

Kung mayroon ito sa kanilang PPMP ay kaagad naman umanong nagpapalabas ang supply office ngunit kung hindi ito naisama ay hindi magkakaroon ng delay sa pagbibigay ng requested item.

Dahil sa reklamo ay plano nilang I-reorient ang mga empleyado upang mabigyang linaw ang naturang usapin at hindi na maulit pa ang kaparehong reklamo.