--Ads--

Ilang residente ng Villa Ventura, Aglipay, Quirino ang nagkanlong sa isang kweba kagabi upang makaiwas sa pinsalang dala ng Super Typhoon Uwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jane Fernandez Yacapin, isa sa mga lumikas sa kweba, sinabi niyang mas pinili nilang magkanlong sa loob ng kweba sa likod ng kanilang bahay kaysa pumunta sa evacuation center.

Ani Fernandez, hindi naman sila natatakot dahil ligtas ang nasabing kweba at ito ang kanilang tinutuluyan tuwing may malakas na bagyo.

Nasa tatlong pamilya ang nagsama-sama sa loob ng kweba sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

--Ads--

Aniya alas-6 pa lamang ng gabi ay pumasok na sila sa kweba habang hindi pa gaanong ramdam ang epekto ng bagyo.

Alas-9 na ng gabi ng maramdaman ang malakas na hangin at ulan kung saan ayon kay Jane, ligtas sila sa loob ng kweba.

Bagamat may kaunting tubig na nakakapasok at puro putik na sa loob, naglatag na lamang sila ng higaan sa mataas at patag na bato upang may matulugan at mapanatili ang kanilang kaligtasan.

Tiniyak din ni Fernandez na naipaalam nila ang kanilang paglikas sa barangay officials sa pamamagitan ng group chat upang hindi na sila puntahan para sa evacuation, at upang masiguro ang kanilang kaligtasan habang nananatili sa loob ng kweba.