CAUAYAN CITY – Ilang paaralan ng sekondarya sa San Mariano, Isabela ang nagsuspendi ng Junior-Senior Prom at maging ang foundation na isasagawa sana ngayong linggo dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Bayan Member Girlie Go Warren, Chairman ng Committee on Education, sinabi niya na nakatanggap ng kautusan ang pambayang konseho mula sa Department of Health (DOH) pangunahin na sa Municipal Health Office na kung maaari ay iwasan muna ang pagsasagawa ng mga malalaking pagtatanghal o programa upang maiwasan ang paglaganap ng COVID 19.
Kaugnay nito ay nakikipap-ugnayan na ang SB member sa Municipal Health Office dahil sa reklamo ng ilang guro at magulang na nakabili na ng susuotin ng kanilang mga anak na lalahok sa JS Prom.
Nauna nang ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) na iwasan ang pagsasagawa ng mga out of campus activities.
Pinakamainam aniya na gawin ng mga Punong Guro ay makipag-ugnayan sa municipal health officer at alamin din kung ano ang imumungkahi ng barangay task force.