CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng mga sumukong kasapi ng New People’s Army o NPA ang kanilang naging karanasan kung paano sila pumasok sa kilusan at kung ano ang kanilang naging buhay sa bundok.
Ayon kay Ka Brown, Ka Henry, Ka Maya at Ka Dessa mga dating rebelde sinabi nilang napasama sila sa kilusan dahil sa nakita nilang mga hindi pagkapantay-pantay sa estado ng buhay sa Maynila.
Ang iba umano sa kanila ay namulat sa hindi magandang trato sa mga mahihirap lalo na sa mga iskwater area.
Nang sila umano ay mag-kolehiyo ay dito na sila nagsimulang sumali sa mga underground organization na sumusuporta sa gawain ng New People’s Army.
Marami umanong propaganda ang ipanood sa kanila kaya sila nahikayat na mamundok at humawak ng armas upang makipaglaban.
Ayon sa kanila, kadalasan silang nag-ooperate sa mga lugar sa Cagayan kung saan bihirang pasukin ng mga kawani ng pamahalaan at hindi nabibigyan nang maayos na proyekto kagaya ng mga daan at pagkabuhayan.
Nanggagaling umano ang kanilang mga supply mula sa masa na sumusuporta sa kanilang mga ipinaglalaban samantalang ang mga armas umano na kanilang ginagamit ay nakukuha nila sa mga nagaganap na engkwentro.
Dagdag pa nila na hindi matatapos ang pakikipabaka ng mga makakaliwang grupo, hangga’t patuloy ang korapsyon na ginagawa ng ilang namamahala.
Ilan din sa mga dating rebelde ay hindi umano pinagsisisihan ang kanilang pagsali sa kilusan dahil naniniwala sila na mayroon din umano itong positibong naidulot sa kanilang mga sarili.
Handa naman na umano ang mga dating rebelde sa kanilang bagong buhay at ang ilan sa kanila ay iniisip nang bumalik sa pag-aaral.
Mayroon din umano sa kanila ang gustong maging miyembro ng Philippine Army para na rin sa kanilang kaligtasan dahil itinuring na umano silang traydor ng kilusan.
Samantala umaasa naman ang kasundaluhan na sa pamamagitan ng mga proyekto ng pamahalaan ay tuluyan nang matatapos ang pakikibaka ng mga natitirang miyembro ng NPA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Rigor Pamittan, Chief ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niyang malaya ang mga dating rebelde na gawin ang kanilang gusto at tutulungan pa sila ng pamahalaan.