--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasagutin ng ilang transport Cooperative sa Rehiyon Dos ang gastusin para sa libreng sakay ngayong buwan ng Hulyo.

Matatandaan na nitong ikatatlumpu ng Hunyo ay nagpaso na ang programang Libreng Sakay ng LTFRB Region 2 dahil natapos na rin ang Bayanihan 2 kung saan kinuha ang pondong ginamit para sa nasabing programa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Edward Cabase ng LTFRB Region 2 sinabi niya na may ilang transport Cooperative sa Rehiyon ang nagbibigay ngayon ng libreng sakay at sariling inisyatibo nila ito at hindi pinopondohan ng LTFRB.

Ayon kay Regional Director Cabase, nakakataba ng puso ang ginawa ng nasabing mga kooperatiba dahil natutulungan nila ang mga mananakay na apektado ng pandemya.

--Ads--

Aniya sa ganitong ginawa ng mga kooperatiba ay napakagandang halimbawa na kung may ibibigay ang pamahalaan ay may maitutulog din ang mamamayan tulad na lamang ng mga myembro ng kooperatiba na mapagaan ang pamumuhay ng kanilang kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay sa kanilang araw araw na pagpasok sa trabaho.

Ayon pa kay Regional Director Cabase tatlong kompanya ang nakilahok sa Libreng Sakay at inaasahang dadami pa ang mga ito.

Rotation naman ang gagawing libreng sakay ng mga kompanya na nasa sampung units ng bus at nakasentro sa lalawigan ng Isabela.

Wala pa namang mga kompanya na nakilahok sa libreng sakay mula sa Lalawigan ng Cagayan.

Tiniyak naman ng LTFRB Region 2 na bilang pasasalamat sa inisyatibo ng  mga kooperatiba ay magbibigay sila ng tulong upang hindi rin mahirapan ang mga ito sa kanilang inilunsad na sariling programa para sa mga mananakay.

Tatagal ang libreng sakay ng mga transport cooperative ng isang buwan at nag iisip na rin ang LTFRB Region 2 ng programa upang maipagpatuloy ito hanggang buwan ng Agosto.

Ang bahagi ng pahayag ni Regional Director Edward Cabase.