Inirereklamo ngayon ng ilang residente sa lungsod ang umano’y pagiging arogante at paniningil nang lampas sa tamang pamasahe ng ilang tricycle driver.
Isa sa mga nagbahagi ng karanasan ay si Ginang Mae Aggabao, isang tindera. Sa kanyang panayam sa Bombo Radyo Cauayan, ilang beses na umano siyang naranasang madabugan at masungitan ng mga driver dahil lamang sa pagbibigay niya ng ₱15 na pamasahe.
Isinalaysay niya na galing siya sa terminal at papunta sa kanilang karinderya nang magbigay siya ng ₱15 na pamasahe.
Gayunman, nagdemand umano ang driver na magdagdag pa siya ng ₱5. Nang tanungin niya kung may panukli ito, pabalang umano itong sumagot na wala.
Dahil dito, napilitan siyang kumuha ng dagdag na pera mula sa kaniyang amo at ibinigay sa driver. Kinuha umano ito ng driver at may nasabi pang hindi kanais-nais bago umalis.
Isa pa sa kaniyang karanasan ay nang sumakay siya ng tricycle habang bitbit ang mga pinamili. Ayon sa kaniya, dumaan lamang siya sa isang grocery store upang may bilhin at iniwan muna ang kaniyang mga pinamili sa tricycle. Ngunit pagbalik niya, wala na umano ang sasakyan at ang driver.
Dahil sa mga ganitong insidente, nananawagan ang ilang residente sa mga awtoridad na aksyunan ang umano’y aroganteng asal at overcharging ng ilang tricycle driver upang maprotektahan ang mga pasahero at mapanatili ang maayos na serbisyo sa lungsod.











