Nagsimula nang mag-renew ng prangkisa ilang mga tricycle drivers sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Sherwin De Luna, Business Permit and Licensing Officer ng Cauayan City, may mangilan-ngilan nang mga namamasada ang nagtutungo sa kanilang tanggapan para mag-proseso bago sumapit ang Marso 15 na huling palugit para sa renewal ng prangkisa.
Sa halip na kada tatlong taon ay ginawa nang yearly ang renewal ng prangkisa subalit libre naman ang franchise fee at Mayor’s permit na lamang ang babayaran.
Para sa mga requirements, kinakailangan ng updated OR/CR ng Tricycle, Barangay Clearance, Police Clearance, Driver’s License at kailangang naka-indicate din kung aling TODA ang kanilang kinabibilangan.
Nilinaw ni Atty. De Luna na ang Police Clearance ay para lamang sa mga kukuha ng prangkisa sa unang pagkakataon at hindi na ito kailangan pa para sa mga magre-renew na lamang.
Nananatili pa rin sa ngayon sa 5,500 ang slot para sa prangkisa ng mga namamasada at walang umanong bakanteng slot.
Gayunpaman, dahil may ilang mga tricycle driver ang hindi na interesadong mamasada at pinipili na lamang ipakasela ang kanilang prangkisa ay ibinibigay ang kanilang slot sa iba na nais ding mamasada.











