--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinagiliwan ng mga mamamayan ang mga dumating na ilang units ng taxi sa lunsod ng Ilagan matapos na kumalat ang mga litrato sa social media.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sherwin Balloga, Traffic Supervisor ng CTMG Ilagan, sinabi niya na hakbang ito ng pamahalaang lunsod para sa modernisasyon sa pampublikong transportasyon.

Aniya, nasa 30 units ang inilaan ng LTFRB sa lunsod at mayroon din silang inihandang 11 para sa launching ng taxi sa lunsod ng Ilagan.

Nilinaw ni Balloga na hindi ito binili ng pamahalaang lunsod kundi ibinigay ng Transport Cooperative sa pamamagitan ng mga operators na nagnanais na magkaroon ng taxi sa lunsod.

--Ads--

Ang nasabing kooperatiba rin ang may hawak sa mga modernized jeepney na una nang umarangkada ang operasyon at inaasahan pa ang karagdagang units ng mga ito.

Buong Region 2 ang ruta ng mga taxi units sakaling magsimula na ang kanilang operasyon.

Umaasa ang pamahalaang lunsod ng Ilagan na tangkilikin ng publiko ang taxi bilang pampublikong transportasyon dahil bukod sa air conditioned na ang mga ito ay komportable rin ang pagbiyahe.

Ang pagkakaroon ng taxi sa lunsod ng Ilagan ay kabilang sa plano ng pamahalaang lunsod na Ilagan Towards a Liveable City in 2030.