--Ads--

Arestado ang anim na barangay kagawad at 47 iba pang indibidwal matapos maaktuhan ng pulisya ang umano’y ilegal na tupada sa Zone 7, Barangay Maura, Aparri, Cagayan, hapon ng Enero 14, 2026.

Itinago ang mga naarestong barangay kagawad sa alyas na “Rey”, “Fel”, “Mon”, “Cecilio”, at “Carnelio”, pawang mga kagawad ng Barangay Maura na umano’y nagsilbing mga operator ng ilegal na sabong. Kasama rin sa mga naaresto si alyas “Redge”, barangay kagawad ng Barangay San Antonio, Aparri.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng hapon nang isagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Cagayan Police Provincial Office, katuwang ang mga tauhan ng Aparri Police Station at 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company.

Nahuli umano ang mga suspek habang aktibong nagpapatakbo, namamahala, at nakikilahok sa ilegal na tupada, na isang malinaw na paglabag sa batas.

--Ads--

Nakumpiska ng mga kapulisan ang iba’t ibang ebidensya, kabilang ang mga panabong na manok; isang itim na kahon na naglalaman ng walong tari, sinulid, mga lalagyan ng tari, tape, at pantasa; isang brown na kahon na may 18 tari at pantasa; isang logbook; dalawang plakard na may markang “Meron” at “Wala”; isang maroon na sling bag; at bet money na nagkakahalaga ng Php 36,933 sa iba’t ibang denominasyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang buong lawak ng ilegal na aktibidad at ang posibleng pananagutan ng mga naarestong opisyal at indibidwal.