Isang kaso ng illegal discharge of firearm ang naitala ng Police Regional Office 2 (PRO 2) sa bayan ng Cabatuan kasabay ng pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Maj. Sharon Mallillin, tagapagsalita ng PRO 2, sinabi niya na batay sa monitoring ay nakapagtala sila ng 56 firecrackers at pyrotechnic-related incidents na kinasasangkutan ng mga menor de edad, at isang kaso ng indiscriminate firing sa Cabatuan.
Batay sa PRO 2, mas mababa ang bilang ng firecracker-related injuries kumpara sa 113 kaso na naitala noong nakaraang taon, kung saan pangunahing sanhi ng pagkasugat ang kwitis habang minimal naman ang naging monitoring sa paggamit ng boga sa Cagayan Valley.
Ang iligal na pagpapaputok ng baril ay naganap pasado alas-dos ng madaling-araw nitong Enero 1, kung saan ang suspek ay isang engineer, public employee, at residente ng nasabing bayan.
Ayon sa PNP, nakatanggap ang Cabatuan Police Station ng tawag kaugnay sa insidente at agad itong nirespondehan. Narekober mula sa suspek ang isang Glock 9mm pistol na may 11 empty shells at 2 live ammunition.
Napag-alaman na nagkaroon ng inuman kung saan kabilang ang suspek. Nang malasing, nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan niya at isa sa mga kaanak sa family reunion, na nauwi sa pagpapaputok ng baril.
Samantala, may dalawa ring road crash incidents na naitala ng PRO 2 nitong Enero 1 na ikinasugat ng siyam na katao.











