--Ads--

Arestado ang dalawang lalaki matapos mahuli sa umano’y ilegal na pagbibiyahe ng pinutol na kahoy sa isinagawang checkpoint operation ng pulisya pasado alas-5:30 ng umaga sa Barangay Batal, Santiago City.

‎Kinilala ng Santiago City Police Office ang mga suspek bilang isang 63-anyos at isang 44-anyos, kapwa magsasaka at residente ng San Agustin, Isabela.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Stephen Carandang, operation officer ng Police Station 4, nagsasagawa ng regular na checkpoint ang mga operatiba ng Mobile Patrol Unit (MPU) nang parahin ang isang Isuzu truck na minamaneho ng mga suspek.

‎Ayon kay Carandang, napansin ng mga awtoridad ang kahina-hinalang kilos ng drayber na tila kinakabahan kaya’t nagsagawa sila ng inspeksyon sa sasakyan. Sa isinagawang pagbusisi, nadiskubre ang kargang mga pinutol na kahoy na hinihinalang walang kaukulang permit.

‎Sinabi pa ni Carandang na tinakpan umano ang mga kahoy ng mga sako ng ipa upang hindi agad mapansin ng mga awtoridad ang kargamento.

‎Nasabat mula sa sasakyan ang tinatayang 900 board feet ng sawn lumber, na kinabibilangan ng 104 piraso ng 2x4x4 at 100 piraso ng 2x6x6, na may kabuuang halagang tinatayang aabot sa ₱45,000.

‎Dagdag pa ng opisyal, hindi nakapagpakita ang mga suspek ng anumang dokumento na magpapatunay sa legal na transportasyon ng nasabing mga kahoy, dahilan upang sila ay arestuhin.

‎Agad namang nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa kaukulang beripikasyon at disposisyon ng mga nakumpiskang kahoy.

‎Kaugnay rito, ganito ang naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT Stephen Carandang, operation officer ng Police Station 4

‎Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines.