CAUAYAN CITY – Palaisipan sa mga Bumbero maging sa pamunuan ng Mary Shine of Saint Matthew Inc. dahil matapos na lamunin ang apoy ang loob ng library ay hindi man lang nasunog ang imahe ng Sto. Nino na nasa silid.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection San Mateo sa sanhi ng sunog sa loob ng library.
Wala na umanong tao sa lugar dahil nag uwian na ang mga estudyante at ang mga guro na lamang ang naiwan sa compound ng eskwelahan.
Dahil sa sunog ay pansamantalang nasuspende ang pasok ng mga mag-aaral dahil kailangan pang isailalim sa pagsusuri ang lahat ng electrical wirings ng eskwelahan.
Labis naman ang pagtataka ng pamunuan ng eskwelahan dahil sa biglaang pagsiklab ng sunog sa library dahil halos limang taon ng nakababa ang breaker nito at wala ring namataang tao na pumasok bago ang insidente.
Nagpasasalamat naman si Corazon Sales, Directress ng Mary shine of Saint Matthew School sa lahat ng mga tumulong para maapula ang sunog.
May fire wall aniya ang eskwelahan kaya hindi na kumalat at walang ibang bahay o istruktura ang nasunog.
Samantala, Nasugatan ang isang Guro matapos na makagat ng aso sa kasagsagan ng sunog sa library ng Mary Shine of Saint Matthew Inc..
Ang naturang mga aso ay bantay ng eskwelahan tuwing gabi subalit ng magkaroon ng sunog ay marahil nakaramdam ng takot ang mga ito kaya pilit na kumawala at aksidenteng nakagat ang isa sa mga Guro ng eskwelahan.