--Ads--

Nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan at militar ang isang tagong imbakan ng armas na umano’y pagmamay-ari ng mga Communist Terrorist Group (CTG) sa Sitio Diwagden, Barangay San Jose, San Mariano, Isabela kahapon, Miyerkules, ika-28 ng Enero. ‎

‎Isinagawa ang operasyon sa gitna ng patuloy na pagpapatupad ng Major Combat Operation matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang dating rebelde na kinilalang si “Mildred.” Ayon sa mga awtoridad, agad na sinuri at kinumpirma ang impormasyong ito na humantong sa isang target na operasyon sa nasabing lugar. ‎ ‎

Pinangunahan ang operasyon ng 4th Platoon ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, Isabela Provincial Explosives Ordnance Disposal and Canine Unit, 201st Company ng Regional Mobile Force Battalion, RIU2, at 95th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Matapos matukoy ang eksaktong lokasyon, nagsagawa ng paghuhukay ang mga operatiba na nagresulta sa pagkarekober ng iba’t ibang armas, bala, at kagamitang pandigma. ‎ ‎Kabilang sa mga narekober ang isang 60mm high explosive, isang MK2 fragmentation grenade, tatlong 40mm high explosive cartridges, dalawang stick ng commercial dynamite, isang improvised anti-personnel mine, limang non-electric blasting caps, may kabuuang 326 na sentimetrong commercial safety fuse, 22 bala ng 5.56mm, 62 bala ng caliber .30, 2 bala ng caliber .38, ilang magazine para sa 5.56 millimeter at M14 rifle, pati na rin ang mga surgical gloves at isang medical kit. ‎

‎Ayon sa Isabela Police Provincial Office, ang mga narekober na kagamitan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 1st Isabela Provincial Mobile Force Company para sa tamang dokumentasyon, habang ang mga military ordnance at improvised explosive devices ay nasa pangangalaga ng Isabela PECU upang matiyak ang ligtas at wastong disposisyon ng mga ito. ‎

‎Samantala, patuloy ang panawagan ng Isabela PPO sa publiko na boluntaryong isuko ang mga hindi lisensiyadong armas upang maiwasan ang legal na pananagutan at makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. ‎ ‎Layunin din ng IPPO na palakasin ang tiwala ng mamamayan, itaas ang kamalayan sa panganib ng ilegal na armas, at hikayatin ang aktibong kooperasyon ng komunidad laban sa karahasan at insurgency.