--Ads--

Ipinaliwanag ng isang abugado ang dahilan kung bakit itinitigil na ng Commission on Elections – Political Finance and Affairs Department (PFAD) ang imbestigasyon laban kay Sen. Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng pagtanggap nito ng campaign donation mula sa isang construction firm.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Areola, sinabi niya na sa ilalim ng Omnibus Election Code ay ipinagbabawal ang pagbibigay ng campaign donation ng mga contractors sa mga tumatakbong politiko, lalo na kung may kontrata sa gobyerno na dumaan sa bidding bago ang halalan.

Ipinaliwanag niya na sa kaso ni Senator Chiz Escudero, ang naturang donasyon ay ibinigay ng kaniyang kaibigan at hindi mula sa korporasyon na may kontrata sa gobyerno.

Sa Corporation Code, sinasabing ang isang korporasyon ay may separate and distinct personality mula sa may-ari, ngunit hindi nito sakop ang mga kumpanyang may single proprietorship.

--Ads--

Bagamat may umiiral na Corporation Code na nakakasakop dito, may mga pagkakataon aniya na nabubutasan ang batas—lalo na kung mayorya ng shares ay pagmamay-ari ng iisang tao o kung ang transaksyon ng may-ari at korporasyon ay iisa. Subalit sa desisyon ng Comelec, walang nakitang butas kaya’t nagpasya ang PFAD na ibasura ang reklamo laban sa senador at itigil ang anumang imbestigasyon kaugnay nito.

Nilinaw pa niya na bagamat itinigil na ng Comelec ang imbestigasyon, maaari pa rin itong iakyat sa Supreme Court. Gayunman, kung kulang sa ebidensya ay maaari rin itong maibasura.