CAUAYAN CITY – Inaasahang isasagawa sa susunod na taon ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang imbestigasyon sa protocols ng pagpapalabas ng tubig sa Magat Dam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Member Adrian Phillip Baysac, at ang Sectoral Representative for Agriculture ng lalawigan ng Isabela, sinabi niya na napagkasunduan ng Sangguniang Panlalawigan na ipatawag ang pamunuan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigaton System o NIA-MARIIS upang matanong ang mga ito sa mga naging isyu ng pagpapakawala ng tubig sa Dam.
Ngayong buwan sana ang schedule ng kanilang imbestigasyon sa nasabing usapin ngunit may mga myembro umano silang tinamaan ng virus na COVID 19 kaya ipinagpaliban na lamang sa buwan ng Enero.
Aniya nais niyang itanong sa NIA-MARIIS kung maaaring mas agahan ang pagpapatubig upang mapaghandaan ang mga bagyong dadaan sa bansa lalo na kapag wet season.
Kapag mas maaga aniya ang pagpapakawala ng tubig ay mas maaga na rin ang anihan ng mga magsasaka.
Samantala ayon kay Board Member Baysac nakapagbigay na ang Department of Agriculture ng binhi at abono sa ilang mga rice farmers na apektado ng pagbaha.
Tiniyak niya na magagandang klase ng binhi ang kanilang naipamahagi sa mga magsasaka.