Humiling si Senator Imee Marcos ng masusing imbestigasyon sa umano’y money delivery scheme na kinasasangkutan ng 18 dating military personnel na dating tauhan ni dating Zaldy Co.
Inapela ni Marcos sa mga umano’y dating marines na humarap sa Senado upang panumpaan at gawing opisyal ang kanilang mga pahayag.
Matatandaang inamin ng mga dating militar sa isang press conference na nagsilbi silang personal assistants at security consultants ni Co, at bahagi ng kanilang trabaho ang pagde-deliver ng maleta na naglalaman ng pera.
Ayon sa kanilang ulat, kabilang sa mga pinagdalhan nila ng pera sina Co; dating House Speaker Martin Romualdez; dating Budget Secretary Amenah Pangandaman; dating Public Works Secretary Manny Bonoan; National Security Adviser Eduardo Año; at maging sa tahanan nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos, kung saan si Presidential Son at Congressman Sandro Marcos umano ang tumanggap.
Bukod dito, nakasaad sa resolusyon ng Senado na iniimbestigahan din ang alegasyon ng mga dating militar na noong December 2023 at sa mga taong 2024 at 2025 ay inutusan silang sumundo ng ilang dayuhan mula sa ICC, kung saan umano ay sinagot pa ng isang dating senador ang kanilang accommodation at transportasyon.
Binanggit sa resolusyon na si dating Sen. Sonny Trillanes IV umano ang namahala sa pagdating ng mga dayuhan, at naganap pa umano ang isang pulong sa bahay ng dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasama si Trillanes at si PGen. Nicolas Torre III.











