Sa ikalawang pagkakataon, muling hinamon sa Korte Suprema ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Isang grupo ng mga abogado na kaalyado niya ang naghain ng petition for certiorari at prohibition, kasama na ang kahilingan para sa temporary restraining order (TRO) at/o preliminary injunction laban sa pagpapatuloy ng pagdinig sa House of Representatives.
Pinangunahan ni Atty. Israelito Torreon ang grupo ng sampung abogado, kabilang sina Martin Delgra III, Jimmy Bondoc, at Vic Rodriguez (dating Executive Secretary ni Pangulong Marcos).
Ayon sa kanilang pahayag, nagkaroon umano ng “grave abuse of discretion” ang House justice committee sa pagpapatuloy ng mga reklamong impeachment na “konstitusyonal at procedural na depektibo.”
Kabilang umano dito ang paglalabas ng malawak na subpoenas para sa SALNs (Statements of Assets, Liabilities and Net Worth), NBI records, COA documents, at iba pang financial statements ng mga korporasyong hindi naman nakasaad sa reklamo.
Pag-utos sa Office of the Ombudsman na isumite ang SALNs ni Duterte mula pa noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Paghingi ng tax records ni Duterte, ng kanyang asawa na si Manases Carpio, at mga negosyong umano’y konektado sa kanila.
Pagpapatawag ng NBI records kaugnay sa umano’y banta sa buhay ni Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez, pati na rin sa sinasabing bagman ni Duterte na si Ramil Madriaga.
Tinuligsa ni Rep. Rufus Rodriguez ang hakbang na ito, na tinawag niyang isang “classic fishing expedition.” Giit ng mga abogado, ang tungkulin ng komite sa threshold stage ay “screening, hindi paggawa ng kaso.”
Dagdag pa rito, binanggit ng grupo na ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaints na inihain nina Fr. Jose Saballa at Atty. Nathaniel Cabrera ay “depektibo sa anyo at nilalaman,” dahil nakabatay lamang umano sa hearsay at hindi beripikadong dokumento.
Samantala, tinawag ng kampo ni Duterte na “comical” ang pahayag ni Madriaga na nais siyang ipapatay ni dating kongresista Arnolfo Teves Jr.. Ayon kay Atty. Salvador Panelo, nagbabago-bago umano ang kuwento ni Madriaga upang idawit si Duterte.
Sa hiwalay na mensahe, nagbabala si VP Duterte na posibleng maging mas mahirap ang sitwasyon sa pagkain sa mga darating na buwan dahil sa El Niño (Abril–Hunyo) at posibleng pagbaha mula sa mga bagyo (Hulyo–Setyembre). Aniya, “Ang pinakamabisang depensa laban sa krisis ay ang pagiging handa.”










